A simple life is a happy life
Andi Eigenmann nagbigay inspirasyon sa netizens; ‘A simple life is a happy life’, ‘You are more than just a mom’
Sa Andi and Philmar Facebook page ay ibinahagi ng akltres na si Andi Eigenmann ang ilang mensahe para sa mga pamilya na labis na nagustuhan ng libo-libong online users na nakasubaybay sa kanila.
“A simple life is a happy life,” paunang ibinahagi ni Andi nitong Pebrero 5 kalakip ang larawan nila nii Philmar Alipayo, ang kanyang fiance na ama nina Lilo at Koa, at ang panganay na si Ellie, na nakaupo sa harap ng iskaparate ng pagkain habang ine-enjoy nila ang mga binili.
Pagpapatuloy niya, “Hindi kailangan ng marangyang buhay para mapalaki nang maayos ang mga anak. Ang simpleng buhay na may tamang pag-gabay at pagmamahal ay sapat na para maging mabuti silang mga tao.”
Binanggit din niya ang tungkol sa mga bagay na materyal na kadalasang ibinibigay sa mga bata. Aniya, “Hindi naman kailangan ng mamahaling laruan at mga gadgets upang mapasaya sila. Sapat na ang pagbibigay ng oras at atensyon upang lumaki sila nang tama at masaya.”
Paalala niya, “Laging tandaan na mas kailangan ng mga anak ang presensya ng magulang kaysa ang gastusan mo sila ng mamahaling bagay. Aanhin naman nila ang mga materyal na bagay kung malungkot at mag-isa naman sila.”
Sinang-ayunan ito ng libo-libo nilang fans at followers at umabot na sa mahigit 18K shares. More than 7.3K na rin ang nagkomento sa post na ito.
Sunod niyang ipinarating na ang pagiging ina ay isang mahirap na bagay. Wala umanong katumbas ang sakripisyo nila sa pamilya at kayang gawin para sa mga anak.
Dagdag pa niya, “Walang sahod at walang pahinga dahil ang pagiging ina ay pang habang buhay na. Ngunit huwag hayaang mawala mo ang iyong sarili dahil lang naging ina ka. Tandaan mo, bago ka naging ina ay isa kang indibidwal at isa kang babae.
“Huwag mo ipagdamot sa iyong sarili ang pagmamahal. Kung kailangan ng pagmamahal ng iyong pamilya mula sayo, kailangan mo rin mahalin ang sarili mo. Dahil makakapagbigay ka lang ng pagmamahal sa iba, kung may pagmamahal ka rin sa sarili mo. Sabi nga nila, “you cannot give what you don’t have.”
Tama nga naman. Hindi mo maibibigay ang bagay na wala naman sa iyo.